PBBM, nagtatag ng Cabinet level Inter-Agency Committee para bantayan ang inflation at presyo ng bilihin

Bumuo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng Cabinet level Inter-Agency Committee para bantayan at i-monitor ang inflation, demand, supply situation at presyo ng mga pangunahing bilihin at mag-re-report ito sa pangulo kada buwan.

Ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno, layunin nitong maiwasan ang mga problema na maaring sumulpot kapag nagsasagawa ang bansa ng importasyon lalo na ang timing o panahon na dapat itong gawin.

Sabi ni Diokno ito ay para matiyak na hindi matataon ang pag-angkat sa panahon ng anihan ng ating mga magsasaka.


Ang Inter-Agency Committee on Inflation and Market Outlook ay kapwa pamumunuan ni Secretary Diokno at National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan at Vice Chairman naman si Budget Secretary Amenah Pangandaman.

Mga miyembro naman nito ang mga kalihim ng Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Science and Technology (DOST).

Magsisilbi namang resource institutions ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Philippine Statistics Authority (PSA).

Facebook Comments