
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang dagdag-presyo sa mga pangunahing pagkain sa loob ng isa hanggang dalawang buwan.
Kasunod ito ng inspeksyon ng pangulo sa isang malaking food warehouse sa Biñan, Laguna, kaugnay sa estado ng imbentaryo at presyo ng mga produktong pagkain.
Ayon sa pangulo, aktibong nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga supplier at manufacturer upang matiyak na tuloy-tuloy ang suplay at hindi mabibigatan ang mga mamimili.
Pumayag din aniya ang malalaking kumpanya na ipirmi muna ang presyo ng kanilang produkto bilang pakikiisa sa gobyerno sa gitna ng kasalukuyang sitwasyon sa Middle East.
Dahil dito, inaasahan ng pangulo na mananatiling stable ang presyo ng pagkain, kabilang ang processed goods, habang patuloy ang mahigpit na monitoring ng pamahalaan.
Nagpasalamat din ang pangulo sa kooperasyon ng mga kumpanya, na aniya’y malaking tulong upang mapanatiling abot-kaya ang pagkain para sa mga Pilipino.










