May direktiba na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Toots Ople na magsagawa ng pag-aaral sa sistema kung papano mas mapagsisilbihan pa nang maayos at epektibo ang pangangailangan ng mga kababayan sa ibayong dagat.
Sa kaniyang pagharap sa Filipino community sa New Jersey, sinabi ni Pangulong Marcos na partikular na dapat mabigyan ng mas mahusay na serbisyo ang Overseas Filipino Workers (OFWs) in distressed o may mga problema sa kanilang mga employer.
Importante aniya na may gobyernong matatawag na tahanan ang bawat Filipinong naninirahan o nagtatrabaho sa abroad habang wala sila sa Pilipinas.
Ayon sa pangulo, ito ang tututukan ng DMW at Department of Foreign Affairs (DFA) kung saan ang mga embahada at konsulada ng Pilipinas sa ibang mga bansa sa mundo ang magsisilbing refuge o ligtas na lugar na masisilungan ng mga problemadong Pilipino laban sa banta ng kawalang katiyakan, kawalang seguridad at mahigpit na kumpetisyon sa abroad.
Kaya naman inutusan ng pangulo si Foreign Affairs Enrique Manalo na siguruhing nananatiling responsive o mabilis tumugon ang Foreign Affairs Service Posts sa pangangailangan ng mga Pilipino sa abroad lalo na sa delivery ng passports at iba pang consular services.
Ayon sa pangulo, ibibigay ng gobyerno sa ating OFWs ang lahat ng pamamaraan para sila ay hindi lang mabuhay kundi umunlad at maging matagumpay.