PBBM, pinaiimbestigahan ang lumabas na pekeng dokumento ng kaniyang appointment sa BI

Inutos na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang imbestigasyon kaugnay sa lumabas na impormasyon kahapon kalakip ng isang dokumento na nagsasabing may itinalaga na siyang commissioner ng Bureau of Immigration.

Nababahala ang pangulo sa lumabas na dokumento na mayroong pinekeng pirma niya gayong wala pa naman siyang itinatalagang opisyal sa Immigration Bureau.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Press secretary Trixie Cruz-angeles na inatasan ng pangulo ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) na imbestigahang mabuti ang insidenteng ito.


Nangangamba ang pangulo na magamit ang ganitong mga iligal na gawain at pamemeke ng mga dokumento ng Palasyo sa iba pang uri ng transaksyon o sa iba pang krimen sa hinaharap.

Sinabi ni Angeles, ang pamemeke ng selyo ng Malakanyang at higit lalo ang pirma ng pangulo ng bansa ay may kaakibat na parusang Reclusion Temporal o pagkakakulong ng 12 hanggang 20 taon.

Kahapon ay lumabas sa ilang news articles ang kopya ng dokumento na nagpapakitang itinalaga ng pangulo ang isang Atty. Abraham Espejo Jr., bilang bagong Commissioner ng Bureau of Immigration.

Facebook Comments