Nanguna si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa isinagawang Philippine Economic briefing sa New York City sa Estados Unidos kasama ang kaniyang economic team.
Sideline meeting ito ni Pangulong Marcos na dumadalo ngayon sa 77th United Nations General Assembly sa New York.
Sa kaniyang mensahe sa harap ng mga negosyante sa New York City, sinabi ng pangulo na ngayon ang tamang panahon para magnegosyo sa Pilipinas ang mga investor sa Amerika.
Aniya, may walong socio economic agenda ang kaniyang administrasyon para magkaroon nang mas maayos na pamumuhay ang mga Pilipino.
Magkakaroon kasi aniya ng mas maraming trabaho sa Pilipinas kapag nagnegosyo rito sa bansa ang mga US investor.
Tiniyak din ng pangulo na maraming plano ang kaniyang administrasyon para mas komportable ang mga investor sa Pilipinas.
Nagpapatuloy aniya ang planong pagpapaganda ng railways system, seaport, airport at iba pang transportation facilities.
Nakatutok aniya ang Marcos administration sa pagtiyak ng food security, pag-promote ng tourist destination sa bansa at human capital investment.
Si Pangulong Marcos ay nakatakdang bumalik sa Pilipinas sa September 24 mula sa kaniyang working visit sa Amerika.