
Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang National Housing Authority (NHA) na pangunahan ang pagtulong sa mga pamilyang nawalan o nasiraan ng tahanan matapos ang malakas na lindol sa Mindanao.
Sa kaniyang pagbisita sa General Santos City, sinabi ng pangulo na prayoridad ng pamahalaan ang agarang pag-alalay sa mga residenteng hindi na makabalik sa kanilang mga bahay dahil sa pinsalang dulot ng pagyanig.
Kasabay nito, pinakikilos din ang iba pang ahensya ng gobyerno upang mapabilis ang paghahatid ng ayuda at pagsasaayos ng mga napinsalang imprastraktura sa mga apektadong lugar.
Bukod sa relief goods, pagkain at serbisyong medikal, magbibigay rin ang pamahalaan ng tulong pinansyal sa mga manggagawang nawalan ng kita dahil sa pansamantalang pagsasara ng mga establisimyento.
Ipinamahagi rin ang ayuda sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Pinabibilisan din ng pamahalaan ang pagsusuri sa mga nasirang gusali, pagbubukas ng mga kalsadang naapektuhan ng lindol, at pagpapanumbalik ng suplay ng kuryente at tubig upang mapabilis ang pagbangon ng mga komunidad.
