
Muling nagbigay ng batikos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ang ginawang site visit niya sa rock netting project sa Camp 5, Kennon Road, Tuba, Benguet.
Aniya, ‘overpriced at substandard’ ang proyekto—dagdag pa na panganib ang dala nito at hindi proteksyon sa publiko.
Ayon sa Pangulo, ang proyekto na nagkakahalaga ng P114.18 milyon ay siningil nang apat na beses sa aktuwal na presyo, na nagresulta umano sa 75% kickback.
Dahil dito, tinawag niyang ‘notorious’ ang proyekto dahil pinagbawal na nga ang nasabing netting pero pinagpatuloy pa rin.
Batay sa rekord ng DPWH, ang proyekto ay ipinatupad ng 3K Rock Engineering na pagmamay-ari ng negosyanteng si Francis Cuyop.
Dagdag pa ng Pangulo, walang isinagawang public hearing at hindi naidaan sa lokal na opisyal ang proyekto, dahilan para malabag ang tamang proseso.
Giit niya, dapat muling ibalik ang dating sistema kung saan mismong stakeholders at local officials ang nagsusuri bago tanggapin ang mga proyekto.
Matatandaang nauna nang nagbigay ng komento ang Pangulo sa mga flood control sa Benguet nitong Linggo, Agosto 24, sa pagbisita nito sa Tuba, Benguet.









