PBBM, tiniyak na hindi magagamit sa korapsyon ang natitirang pondo ng gobyerno ngayong taon

Mahigpit na babantayan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paggamit ng P1.307 trillion na pondo ng gobyerno para sa huling quarter ng taon.

Kasunod ito ng mga pangambang baka mauwi lamang sa korapsyon ang inilabas na pondo.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ito aniya ang dahilan kung bakit iniutos ng Pangulo ang imbestigasyon sa mga isyu ng katiwalian sa ilang proyekto ng pamahalaan.

Hindi rin aniya agad inilalabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo hangga’t hindi sapat ang paliwanag at dokumentasyon ng mga ahensiyang humihiling nito.

Ang nakalaang budget para sa ika-apat na quarter ng 2025 ay ilalaan sa mga pangunahing programa ng gobyerno tulad ng imprastruktura, kalusugan, edukasyon, at direktang subsidiya sa mamamayan.

Hindi lamang ito nakalaan para sa mga nasalanta ng bagyo, kundi bahagi ng regular na programmed budget ng bawat ahensya na kailangang gastusin nang tama at malinaw ang layunin.

Facebook Comments