
Babiyahe papuntang Cebu si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang personal na silipin ang kalagayan ng mga biktima ng Bagyong Tino.
Ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Atty. Claire Castro, kasalukuyang inaayos pa ang iskedyul ng pangulo, at maglalabas na lamang ng abiso ang Malacañang ang eksaktong araw ng pagpunta ng pangulo.
Habang hinihintay ang pagbisita ni PBBM, iniutos na niya sa mga miyembro ng gabinete na agad tugunan ang pangangailangan ng mga nasalanta at tiyaking may agarang ayuda sa mga apektadong pamilya.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang pangulo sa mga naulilang pamilya at binigyang-diin ang mahigpit niyang utos na maibigay ang lahat ng tulong at suporta sa mga biktima ng kalamidad.
Batay sa pinakahuling ulat ng Office of Civil Defense (OCD), mahigit 60 katao na ang nasawi sa Cebu, karamihan ay nalunod sa flashflood na dulot ng Bagyong Tino.









