
Hiningi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang tulong ng transport sector upang hindi tuluyang sumirit ang pamasahe at mabigatan ang mga commuter, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ayon sa Pangulo, mahalaga ang kooperasyon ng mga operator at driver para maibsan ang epekto ng oil price hike, kasabay ng pagsisikap ng gobyerno na ayusin at palawakin ang fuel subsidy na inilunsad na sa Metro Manila at ipatutupad sa buong bansa.
Kinilala rin ng Pangulo na hindi sapat ang aksyon ng pamahalaan lamang, kaya hinihikayat ang sektor na magbigay ng mungkahi para mas mapabilis at maging maayos ang sistema ng ayuda.
Ngayong umaga, pinangunahan ng Pangulo ang pamamahagi ng ₱10,000 subsidy sa bawat bus unit at ₱5,000 para sa mga driver, na ipinamamahagi sa pamamagitan ng tseke, fuel card, cash, o direct transfer sa bank at e-wallet.
Binigyang-diin ng Pangulo na kailangang magtulungan ang gobyerno at pribadong sektor upang hindi tumaas ang pamasahe kasabay ng pagsirit ng langis, at tiniyak ang pagpapatuloy ng subsidiya hangga’t kinakailangan.










