Wednesday, February 18, 2026

PCG, binalaan ang publiko hinggil sa mga nagpapakilalang indibdwal na ginagamit ang pangalan ng ilan nilang opisyal

Binalaan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang publiko laban sa mga nagpapanggap na indibdwal na sinasabing may kaugnayan sa Office of the Commandant.

Sa pahayag ng PCG, may mga ulat ng mga hindi awtorisadong indibidwal na nagpapakilalang intermediary umano na endorsed ng mga senior official upang manghingi ng pabor o maka-impluwensiya sa mga opisyal na proseso.

Nilinaw ng PCG na hindi ito nagbibigay ng pahintulot sa sinumang pribadong tao o third party na magsagawa ng transaksiyon o makipagnegosasyon sa ngalan ng Office of the Commandant.

Lalo na kung sa labas ito ng tanggapan ng PCG o opisina ng mga opisyal.

Dagdag pa ng PCG, lahat ng komunikasyon at direktiba ay dumaraan lamang sa pormal na proseso at mga otorisadong tauhan.

Pinapayuhan ang publiko na mag-ingat at i-report agad ang anumang kahina-hinalang pagpapanggap ng mga manloloko na ito sa opisyal na social media platforms ng PCG o kaya sa pinakamalapit na opisina ng Coast Guard.

Facebook Comments