Hindi kumbinsido ang Philippine Coast Guard (PCG) na ipatutupad talaga ng China ang banta nitong unilateral fishing ban o fishing moratorium sa West Philippine Sea at huhulihin ang sinumang mangingisda sa Bajo de Masinloc.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela na batay sa huli nilang pagbabantay ay dalawa lamang na China Coast Guard (CCG) vessels at siyam na Chinese maritime militia vessels ang umaaligid sa bahagi ng Bajo de Masinloc.
Ayon kay Tarriela, maliit na pwersa lamang ito ng China na nagpapakitang hindi sila seryoso sa kanilang banta.
Kung talagang tototohanin kasi aniya ng China ang kanilang banta ay nagdagdag dapat sila ng kanilang vessel deployment sa lugar.
Pangkaraniwan kasing apat na barko ng China ang umiikot sa WPS pero sa pagkakataong ito aniya ay dalawa lamang.
Gayunpaman, hindi naman binabalewala ng PCG ang banta ng China.