Nagpasaklolo na ang Philippine Coast Guard (PCG) sa Estados Unidos para sa paglilinis ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Ayon kay PCG commandant Admiral Artemio Abu, nagpadala na sila ng sulat sa Amerika para pormal na humingi ng tulong.
Aniya, mas marami ang karanasan at kaalaman ng Estados Unidos pagdating sa naturang usapin.
Sa ngayon, maraming bansa na aniya gaya ng Japan at South Korea ang nagpahayag ng kagustuhang tumulong para mapigilan ang lalong pagkalat ng tumagas na langis mula sa lumubog na oil tanker.
Bukas, makikipagpulong sa PCG ang iba pang mga bansa upang tukuyin ang mga kinakailangang tulong ng Pilipinas.
Sabi ni Abu, nangangailangan sila ngayon ng mas maraming remote-operated vehicles.
Nabatid na umabot na sa Taytay, Palawan at Caluya, Antique ang oil spill.