Magtataas na ng alerto ang Philippine Coast Guard (PCG) simula sa December 15 sa gitna ng inaasahang buhos ng mga pasahero ngayong holiday season.
Ito ang inanunsyo ni Transportation Secretary Jaime Bautista sa pag-iinspeksyon niya kanina sa PCG Headquarters sa Maynila.
Ayon kay Bautista, bahagi ito ng Oplan: Biyaheng Ayos ng transportation sector na magtatagal hanggang January 8.
Kaugnay nito ay ipakakalat aniya ang iba’t ibang unit ng PCG para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng seguridad sa mga pantalan.
Nakahanda na rin ang mga sasakyang-dagat ng Coast Guard at mga air asset para sa posibleng deployment.
Kumpiyansa aniya si Bautista na mapoprotektahan ng PCG ang mga biyahero ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Nauna nang sinabi ng PCG, na target nito ang zero maritime incident ngayong holiday season.