PCG, kinumpirmang 5 mangingisda ang sapilitang tinangay ng mga armadong kalalakihan sa karagatan ng Sulu

Sulu – Kinumpirma ni PCG Spokesman Commander Armand Balilo na limang mangingisda ang sapilitang tinangay ng mga armadong grupo na sakay ng dalawang motor bangka sa karagatan sakop ng Poblacion, Pangutaran, Sulu.

Ayon kay Balilo, 5 mangingisda ng FB Danvil 8 ang pwersahang tinangay kahapin ng pasado alas dos ng hapon ng mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang miyembro ng Kidnap for Ransom Group na lulan ng dalawang motorized banca na kulay puti at asul.

Kinilala ang mga natangay na mga mangingisda na sina Vergel Arquino, 25 anyos ng Davao City; Jushua, 23 anyos ng Pagadian City; Emo Fausto, 63 anyos ng Pagadian City; Junald Minalang, 24 anyos ng Pagadian City; at Spriano Sardido, 53 anyos ng Pagadian City.


Paliwanag ni Balilo, agad na magtutungo sana ang mga tauhan ng PCG pero dahil sa sama ng panahon hindi na nakakaalis ang mga otoridad.

Giit ni Balilo tanging ang PNP at Philippine Army ang nasa lugar dahil nahihirapan ang mga tauhan ng PCG na pumalaot dahil sa sama ng panahon.

Nakikipag-ugnayan na ang PCG sa mga pulis at sundalo sa lugar upang makatulong din sa kanilang isinasagawang rescue operation sa mga mangingisdang dinukot ng mga armadong grupo.

Facebook Comments