Mas lalo pang pinalakas at tinututukan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang ikinakasang relief operation sa Davao Region.
Ito’y upang mabigyan ng tulong ang mga residente apektado ng pagbaha dahil sa masamang lagay ng panahon.
Pinangunahan ng Coast Guard District Southeastern Mindanao ang pagbibigay ng relief operation kung saan nakatutok sila sa mga komunidad na hirap mapuntahan para maabutan ng tulong.
Nabatid na nasa 1,200 na residente ng Barangay Esperanza, Sto. Tomas, Davao del Norte ang una ng nakatanggap ng tulong kung saan 250 pamilya naman sa Barangay Cabuaya, Mati City, Davao Oriental ang naabutan na rin ng mga pagkain at iba pang suplay.
Bukod dito, naipadala na rin ng PCG ang nasa 1,400 relief boxes sa mga apektadong pamilya sa Barangay San Antonio at Barangay Pangibaran sa Mabini, Davao de Oro.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin naka-monitor at umiikot ang PCG para makaresponde sa mga residente na mangangailangan ng tulong sa nasabing rehiyon.