Itataas na ng Philippine Coast Guard (PCG) sa heightened alert ang kanilang status simula sa Lunes, April 11 bilang paghahanda sa Semana Santa kung saan marami sa ating mga kababayan ang umuuwi sa kani-kanilang mga probinsya.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni PCG acting Commander Commodore Armand Balilo na layon nitong matiyak na magiging ligtas ang pagbibiyahe ng ating mga kababayan ngayong Lenten season.
Ayon kay Commodore Balilo, target nilang makamit ang 0 maritime incident ngayong Holy Week.
Ani Balilo magtatagal ang kanilang heightened alert hanggang sa Lunes ng pagkabuhay o sa April 18 pero magtutuloy tuloy parin ang ginagawa nilang pagbabantay.
Nakipag-ugnayan na rin aniya sila sa mga beach resort owner upang magkaroon ng mga lifeguard.
Samantala, paalala ng PCG sa publiko na kahit nag-e-enjoy at nagbabakasyon ay wag pa ring makakalimot sa pagsunod sa health at safety protocols.