PCG, nakahanda na rin sa pista ng Poong Itim na Nazareno kahit pa walang Traslacion

Nakahanda na ang Philippine Coast Guard (PCG) na tumulong para matiyak ang kaayusan at kapayapaan sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno.

Ayon kay Commodore Armand Balilo, ang tagapagsalita ng PCG, kada taon sa panahon ng Traslacion ay katuwang ang Coast Guard ng pamunuan ng Quiapo Church at iba pang mga otoridad gayundin ang lokal na pamahalaan.

Ang mga tauhan ng PCG ay karaniwang dine-deploy noon sa Pasig River, Manila Bay at iba pang lugar na ruta ng Traslacion pero iba ang magiging sitwasyon ngayon sa Kapistahan dahil na rin sa COVID-19 pandemic.


Bagama’t walang grand procession ngayong taon dahil sa banta ng COVID-19, sinabi ni Balilo na ang Coast Guard ay handa pa rin tumulong sa ibang bagay.

Aniya, may direktibang ibinigay si PCG Commandant Admiral George Ursabia na kapag nag-request o humiling ang pamunuan ng Quiapo Church ng mga tao at assets, ay agad silang tutugon.

Sa ngayon, inihayag pa ni Balilo na mayroon nang naka-standby na mga personnel ng PCG mula sa National Capital Region (NCR) Coast Guard.

Facebook Comments