Nagpaabot ng pakikidalamhati ang buong pamunuan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa pagpanaw ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Sa pahayag ni PCG Commandant Admiral Artemio Abu, isa ang dating pangulo na naging ehemplo ng bawat tauhan ng Coast Guard dahil sa pinakita niyang pagiging makabayan at pagbibigay serbisyo sa bawat Pilipino.
Aniya, magiging inspirasyon ng bawat tauhan ng PCG ang mga ipinakita at nagawa ng dating Pangulong Ramos kaya’t hindi nila ito makakalikumutan.
Dagdag pa ni Admiral Abu, kanilang ipagpapatuloy ang serbisyo publiko na sinimulan ng dating pangulo kung saan mas pagbubutihan pa nila ito.
Sinabi pa ng opisyal na sa ilalim ng termino ni dating Pangulong Ramos, nailipat ang PCG sa Department of Transportation (DOTr) mula sa Department of National Defense (DND) noong 1998.
Ang buong tauhan PCG ay nagpapaabot na rin ng pakikiramay sa pamilya ni dating Pangulong Ramos.