PCG, nananatiling naka-full alert status para agad makaresponde kaugnay sa pananalasa ng Bagyong Rolly

Nanananatiling nasa full alert status at naka-monitor ang pwersa ng Philippine Coast Guard o PCG District, Station, at Sub-Station para agad na maaksyunan ang anumang insidente kaugnay sa pananalasa ng bagyong Rolly.

Higit ang pagtutok ng PCG sa mga rehiyon ng Bicol, Southern Tagalog, National Capital Regiono o NCR at Eastern Visayas na pawang mga pinaka-apektado ng nagpapatuloy na sama ng panahon.

Patuloy rin ang pakikipag-koordinasyon ng PCG sa mga lokal na pamahalaan para matulungan ang mga apektadong pamilya at makapagbigay ng agarang medical o rescue assistance, kung kinakailangan.


Inatasan na rin PCG Commandant Admiral George Ursabia Jr. ang lahat ng Coast Guard units na makipag-ugnayan sa PCG Auxiliary para sa pagri-repack ng relief supplies upang maayudahan ang mga pamilya at frontline personnel.

Sa sandaling maging stable na ang panahon ay agad na ibibiyahe ang mga relief goods sa mga apektadong komunidad sa pamamagitan ng mga barko ng PCG.

Naka-antabay na rin ang Coast Guard Aviation Force partikular ang CGH-1451 at CGH-1452 para sa isasagawang survey hinggil sa pinsalang dulot ng bagyo sa bansa at para matukoy ang mga komunidad na nangangailangan ng relief at medical assistance.

Ngayong buong araw ay ininspeksyon din ni Admiral Ursabia ang mga daungan sa NCR na kinabibilangan ng Manila North Harbor, Manila Yacht Club, CCP Yacht Basin, MOA Esplanade, VTMS Manila Bay, South Harbor, Pasig River at Harbor Center.

Facebook Comments