Naniniwala ang Philippine Coast Guard (PCG) na ang pagkakaroon ng sariling quarantine facility ay makakatulong para mabawasan ang mga nagkakaroon ng COVID-19 sa kanilang hanay.
Ayon kay Commodore Armand Balilo, tagapagsalita ng Coast Guard, bagama’t may mga quarantine facility ang pamahalaan, mas maigi na rin na magkaroon sila ng sariling pasilidad upang mas mabilis ang paggaling ng kanilang tauhan at agad na makabalik ng serbisyo.
Isa rin itong paraan para maiwasan din ang pagkakaroon ng hawaan kung saan nagsimulang magkaroon ng kaso ng COVID-19 sa PCG noong June 25, 2020.
Ipinaliwanag naman ni Commodore Balilo na kinakailangan pa nilang gumawa ng plano, dumaan sa proseso at mag-comply sa mga hinihinging requirement kaya ngayong buwan lang sila magsisimulang magtayo ng sariling quarantine facility.
Ang nasabing pasilidad ay itatayo sa Coast Guard base sa Taguig City kung saan kayang ma-accommodate ang nasa 224 PCG frontline personnel.
Mayroon din itong sewerage, electrical at air conditioning system gayundin ang entertainment facility na makakatulong na maalis ang pagkainip ng mga PCG personnel sa kasagsagan ng isolation period.
Nabatid na naglaan ng ₱30 milyong budget ang PCG sa nasabing pasilidad na bubuksan sa susunod na buwan.