Kinumpirma ni Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Admiral George Ursabia Jr., na agad nilang pababalikin sa Maynila ang BRP Gabriela Silang sa lalong madaling panahon kapag naibaba na ang lahat ang karga nitong relief supplies sa Bicol Region.
Ayon kay Ursabia, layon ito na muling makapag-serbisyo ang barko sa iba pang nangangailangan na sinalanta ng Bagyong Rolly.
Bukod sa paghahatid ng relief supplies, may kakayahan din ang BRP Gabriela Silang na mag-filter ng 1,200 litro ng tubig-dagat kada oras para gawing fresh water.
Sinabi ni Ursabia na malaking bagay ito sa mga apektadong pamilya sa Catanduanes para magkaroon ng access sa malinis na inuming tubig lalo’t nasira ang water system ng lalawigan dahil sa hagupit ng bagyo.
Kahapon, lumayag na ang barko ng PCG patungo ng Bicol Region dala ang relief goods at iba pang supplies na donasyon para sa mga biktima ng Bagyong Rolly sa rehiyon.
Ngayong hapon, inaasahang darating ang BRP Gabriela Silang sa Port of Catanduanes.