Walang namo-monitor na banta ang Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay sa nalalapit na inagurasyon ni President-elect Ferdinand Marcos Jr., sa National Museum, sa June 30.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo, na patuloy ang kanilang koordinasyon sa hanay ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP), upang matiyak na hindi sila malulusutan ng mga magtatangkang manggulo sa nasabing makasaysayang event.
Aniya, tulad ng iba pang security forces ng bansa, mahigpit ang bilin nila sa kanilang hanay na panatilihin ang high level of vigilance, at manatiling maging mapagmasid.
Inatasan rin aniya nila ang kanilang mga tauhan na kunin ang kooperasyon ng publiko, upang maiulat sa mga otoridad sakaling mayroong mga kahina-hinalang kilos, indibidwal o grupo.
Samantala, binigyang diin ni Balilo na hindi na nila nakikita ang pangangailangang magpatupad ng “No Sail Zone” sa Manila Bay bagkus paiiralin lamang ito sa bisinidad ng National Museum at Malacañang restricted areas.
Matatandaan na una nang sinabi ng opisyal na magpapakalat sila ng floating assets sa Manila Bay, Ilog Pasig, at Malacañan, para sa pagtitiyak ng seguridad sa inagurasyon ni President-elect Marcos.