PCIJ, BARMM officials pinabulaanan ang mga tsismis ng ‘pag-aalsa’ nang dahil sa pag-aresto kay Duterte

Isang kamakailang pag-aaral ang nagpabulaan sa maling impormasyon at mga pahayag ng ilang social media pages na may nagbabantang pag-aalsa sa Mindanao matapos ang pag-aresto sa dating Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang buwan.

Sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), pinasinungalingan ng organisasyon ang mga kumakalat na pahayag sa social media na nagpapakalat ng kuwento na may ilang separatistang grupo na naghahanda laban sa pamahalaan, habang inilalarawan si Duterte bilang biktima ng kawalang katarungan mula sa gobyerno.

Ayon sa PCIJ, binabaluktot ng mga social media pages na ito ang mga katotohanan pabor sa kampo ni Duterte, gamit pa ang mga hindi kaugnay na video ng kaguluhan sa Indonesia at maling ipinakikita na ito ang kasalukuyang sitwasyon sa Mindanao.


Binigyang-diin ng organisasyon na ang ganitong uri ng propaganda ay nakasisira sa proseso ng kapayapaan sa Mindanao, partikular na sa progreso ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), dahil ginagamit ng mga tagasuporta ng kampanya ang mga grupo tulad ng Moro National Liberation Front (MNLF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pagpapalaganap ng mga walang basehang ulat.

“Sa mga araw matapos ang pag-aresto kay Rodrigo Duterte, maraming social media pages ang maling nag-ulat na ang mga dating separatistang grupo ay nagtitipon para sa kanilang suporta, gamit ang mga hindi kaugnay na video ng kaguluhan sa Indonesia upang magdulot ng takot sa umano’y nagbabadyang kaguluhan sa Mindanao,” ayon sa PCIJ.

“May pangamba na maaaring samantalahin ng masasamang elemento ang maling mga kwento upang hikayatin ang mga residente na maglunsad ng marahas na pagtugon sa pag-aresto,” dagdag pa nito.

Parehong pinabulaanan ng MNLF at MILF ang mga pahayag na sila’y muling nag-aarmas laban sa pamahalaan matapos pumirma ng mga kasunduang pangkapayapaan.

Facebook Comments