PCOO, idinepensa ang live coverage sa paghalal kay Velasco bilang House Speaker na ginanap sa labas ng Batasang Pambansa

Sa budget hearing ng Senado ay ipinagtanggol ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang live coverage ng government station na PTV 4 sa pulong ng mga kongresista kahapon sa Celebrity Sports Plaza kung saan inihalal na bagong House Speaker si Marinduque Representative Lord Allan Velasco.

Katwiran ni PCOO Secretary Martin Andanar, ang nabanggit na pangyayari ay newsworthy o balita kaya katulad ng private media ay kinover nila ito batay sa kahalagahan.

Sabi naman ni PTV 4 Incorporated General Manager Katherine de Castro, ang Radio Television Malacanang o RTVM ang nagsagawa ng naturang coverage.


Diin ni De Castro, naging patas ang coverage at parehong pinadalhan ng reporter ang kampo nina Velasco at ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano at pareho rin na naka-post sa social media account ng PTV 4 ang magkahiwalay nilang press conference.

Paliwanag naman ni PCOO Assistant Secretary Kris Ablan, nagtungo ang RTVM team sa Batasang Pambansa bilang tugon sa request ng Kamara na i-cover ang deliberasyon kaugnay sa proposed 2021 national budget.

Pero pagdating sa Batasang Pambansa ay sinabihan ang RTVM crew na na-transfer sa Celebrity Sports Plaza ang pagbubukas ng plenary session.

Tiniyak ni Ablan na tanging layunin ng kanilang coverage ay magpahatid ng factual information at transparency lalo na kapag tungkol sa tax expenditures o budget na may kinalaman sa bawat Filipino taxpayers.

Samantala, inaprubahan naman ng Senate Finance Committee ang ₱1.74 billion na panukalang pondo para sa susunod na taon ng PCOO at mga attached agencies nito.

Facebook Comments