Mariing itinanggi ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa mga ulat na nagkaroon ng mild stroke si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang pahayag ng tanggapan matapos i-urong sa susunod na linggo ang nakatakdang public address ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos magpositibo sa COVID-19 ang ilang miyembro ng Presidential Security Group (PSG).
Ayon kay PCOO Secretary Martin Andanar, hindi dapat nagpapaniwala sa fake news.
Sinabi naman ni PSG Commander Brigadier General Jesus Durante III, nasa ligtas at maayos ang kalagayan ng Pangulo.
Aniya, ang kanilang mga tauhang nagpositibo ay walang direktang contact sa Pangulo.
Mula sa 126 active cases, bumaba na lamang ito sa 45 at ang mga apektadong PSG personnel ay kukumpletuhin ang kanilang quarantine protocols.
Karamihan sa mga infected PSG personnel ay nakabantay sa gate ng Malacañang kung saan maraming tao sila nakakasalamuha.
Inirekomenda nilang kanselahin ang mga aktibidad ng Pangulo para na rin sa kanyang kaligtasan.
Si Pangulong Duterte ay regular na sumasailalim sa COVID-19 test at kailangan ding sumunod sa health protocols.