PCOO Usec Badoy, Hinimok ang Publiko na Makiisa para Mawakasan ang CPP-NPA-NDF

Cauayan City, Isabela- Nananawagan sa publiko si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Undersecretary Lorraine Badoy na makipagtulungan upang mawakasan ang CPP-NPA-NDF sa bansa.

Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCOO Lorraine Badoy at tagapagsalita rin ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), kinakailangan nang matuldukan sa lalong madaling panahon ang 52 taon na panlilinlang at pagpapahirap ng mga bumubuo sa CPP-NPA-NDF.

Bagamat magaling aniya na magsinungaling ang mga makakaliwang grupo ay marami naman aniyang sapat na mga ebindensya na pang tabla ang pamahalaan upang patotohanan ang mga masasamang gawain at kasinungalingan na itinatanggi ng mga komunista at bandidong grupo.


Kanyang sinabi na ang pagwawakas sa CPP-NPA-NDF ay laban ng bayan dahil hindi aniya ito kayang gawin magi-isa ng gobyerno maging ang Pangulo kundi ang buong pwersa ng sambayanan para na rin sa ikaliligtas ng mga susunod na henerasyon.

Giit pa ni Usec Badoy, hindi ang ating Pangulong Duterte ang kalaban kundi ang CPP-NPA-NDF na binansagan pa nitong ‘halimaw’ at ‘salot’.

Paalala naman nito sa mga magulang na maging vigilant, bantayan ang mga anak lalo na ang mga kabataan sa pag-aaral maging sa pagpunta ng mga ito sa simbahan upang maiiwas sa posibleng panghihikayat ng mga progresibong grupo na may kaugnayan sa CPP-NPA-NDF.

Facebook Comments