Cauayan City, Isabela- Handang magbitiw sa tungkulin si PCOO Undersecretary Lorraine Badoy kung aaminin lang ng Makabayan bloc ang kanilang kaugnayan sa paglaganap ng terorismo sa bansa na hatid ng CPP-NPA-NDF.
Ayon kay Usec. Badoy, hangarin daw ng Makabayan bloc na pabagsakin ang gobyerno at gawing komunista ang mga Pilipino.
Matatandaang inakusahan ni Usec. Badoy ang ilang grupong kumakatawan sa kongreso na nagtatago lang umano sa isang maskara subalit isa palang miyembro ng teroristang grupo.
Kinabibilangan ito ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago; Bayan-Muna Partylist Rep. Carlos Zarate, Rep. Eufemia Cullamat, Rep. Ferdinand Gaite; Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro.
Sinabihan din ni Usec. Badoy na matitigas ang mukha ng mga representante na patuloy na humaharap sa plenaryo ng kongreso at patuloy ang pagsisinungaling sa taumbayan.
Palaisipan pa rin kay Usec. Badoy ang ginawang pagtanggal sa isang page na ‘Hands-Off Our Children’ ng pamunuan ng facebook dahil umano sa authentic behavior habang patuloy naman ang pamamayagpag ng mga paghikayat ng NPA sa mga kabataan sa pamamagitan ng social media.
Nagsimula ang batuhan ng mga akusasyon ng tahasang harangin ng Makabayan bloc ang pondong ipagkakaloob sana para sa tanggapan ng NTF-ELCAC na P16.44 billion na kanilang gagamitin sa ilang hakbang upang labanan ang insurhensiya sa bansa.
Hinimok naman ni Usec. Badoy ang Pilipino na magtulungan para sa ikakasawata ng terorismo sa bansa.
Pinatutsadahan din ng opisyal ang ilang pulitiko na nakikisayaw sa indak ng mga NPA para lamang sa kanilang political career at hindi ang pagmamahal sa taumbayan.