Humingi ng tulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para maibaba ang binabayaran nilang Documentary Stamp Tax sa ilalim ng Create Law.
Mula sa budget hearing ng House Committee on Appropriations, nagpasaklolo na si PCSO Chairman Anselmo Simeon Pinili sa Kamara na tulungan sila ng mga kongresista na ma-rationalize ang binabayaran nilang 20% Documentary Stamp Tax na maibalik sa 10% matapos na maapektuhan ng public health emergency dulot ng COVID-19 pandemic ang kanilang revenue at charity funds.
Apela naman ni PCSO-Legislative liason Officer Atty. Gay Alvor, hindi na sila makagalaw dahil nagsama-sama ang mga batas na nagbibigay sa PCSO ng mataas na buwis.
Katunayan aniya, 17 ang batas ang na nag-o-obliga sa PCSO ng funding support.
Giit ni Alvor, mahalagang ma-review ang mandatory contributions ng PCSO dahil lumalawak din ang mga malasakit centers na sinusuportahan ng ahensya na aabot na sa bilang 123.
Bukod sa COVID-19 response ay nakapokus pa rin ang funding at medical support ng PCSO sa hospitalization ng mga non-COVID cases tulad ng dialysis, surgery, chemotherapy at iba pang sakit na naka-angkla sa Universal Health Care Act.
Pinapabuwag din ng PCSO sa Kamara ang mandatory contribution sa ahensya na hindi health-related.
Mula sa P44 billion revenue target ng PCSO noong 2019, dahil sa magkakasunod na lockdown ay bumaba ito sa P18.6 billion noong 2020 at as of June 30, 2021 umangat ng bahagya sa P19.61 billion ang ticket sales o kinita ng PCSO.