Marawi City – Aabot sa mahigit limang milyong piso na mga halaga ng mga gamut at bottled water ang ipapadala ng Philippine Charity Sweepstakes Office sa mga lugar na kinalalagyan ng mga apektado ng giyera sa Marawi City.
Ito ay upang ipamahagi sa mga sugatang sundalo at mga sibilyan sa nagpapatuloy na gyera ng gobyerno kontra Maute Terrorist group.
Ayon kay PCSO General Manager Alexander Balutan, nakipag-ugnayan na rin ang ahensya sa Philippine Marines para sa pag-e-escort sa pagdadala ng mga naturang ayuda sa mga evacuees.
Tutukan ng ayuda ng PCSO ang mga evacuees na nasa Iligan City at Cagayan De Oro na sa tala ay nasa isandaan limampung libo katao na.
Sinabi naman ni PCSO Assistant General Manager for Charity Dr Larry Cedro, bukod sa mga bottled water at mga gamot, nakahanda rin ang ahensya na tumulong sa mga bakwit na kinakailangang mapagamot sa mga ospital.
Dagdag pa ni Cedro, maging ang mga miyembro ng Maute group na hihiling ng tulong para sa medical expenses ay hindi naman tatanggihan ng PCSO kung ito ay sumuko na at nasa kostudiya na ng pamahalaan.
Iginiit ni Cedro, ang PCSO ay apolitical at walang pinipiling tutulungan lalo na kung papasa ang mga ito sa hinihinging assistance.
DZXL558