PCSO, may ₱8.43 billion na unremitted dividends

May utang ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa National Government na aabot sa 8.43 billion pesos na dibidendo na nananatiling hindi pa nare-remit mula noong 1994.

Base sa PCSO annual audit report ng Commission on Audit (COA), nakasaad sa Republic Act 7656 na ang lahat ng Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs) ay kailangang mag-remit ng kahit 50% ng kanilang annual net earnings sa national government.

Tinawag na ng COA ang atensyon ng PCSO patungkol dito kung saan lumobo na sa ₱8,428,018,641.40 sa nakalipas na 22 taon.


Pero ayon sa Office of the Government Corporate Counsel, ang PCSO ay hindi saklaw ng RA 7656 dahil ang net earnings ay inilalaan sa ilang expenses at ang lahat ng hindi nagamit na pera ay ibabalik sa charity fund.

Sabi ng COA, ang PCSO ay hindi kabilang sa mga GOCC na exempted mula sa coverage ng RA 7656.

Nanawagan ang COA sa PCSO management na resolbahin ito at paigtingin ang koleksyon ng Presumptive Monthly Retail Receipts (PMRR).

Samantala, inatasan na ng PCSO ang lahat ng department and branch managers nito na mahigpit na bantayan ang PMRR compliance.

Facebook Comments