Mariing itinanggi ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na nagkaroon ng manipulasyon sa nag-iisang nanalo ng ₱640 million mula sa kombinasyon ng 6/49 Grand Lotto.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Games and Amusement, sinabi ng Vice Chairman na si Senator Raffy Tulfo na may mga natanggap siyang sumbong na mayroong kasabwat ang PCSO sa labas para tayaan ang lahat ng possible combinations sa 6/49 grand lotto at ang sinasabing ginastos dito ay umabot ng ₱280 million.
Tinukoy pa ni Tulfo na ang 6/49 din ay napanalunan sa online at maaari umanong manipulahin ang makina para magkaroon ng automatic sequence betting kung saan minuto o oras lamang ay kayang tayaan ang lahat ng posibleng numero na lalabas.
Tiniyak naman ni PCSO General Manager Mel Robles kay Tulfo na hindi nila kayang manipulahin ang kombinasyon na lalabas sa Lotto draw.
Karapatan din aniya ng sinuman ang tumaya sa lahat ng kombinasyon pero kahit pa tayaan ang lahat ng kombinasyon ay hindi ginagarantiyahan na iisa lang ang mananalo kundi puwedeng may iba pa.
Bukod dito, batay sa kanilang records lumalabas na noong nanalo ang nagiisang Lotto winner ay wala namang nag-bet sa lahat ng mga kombinasyon.
Imposible rin ayon sa PCSO na magsabwatan ang mga kasamahan sa pag-draw ng lotto dahil mayroong taga-Commission on Audit na kasama at mayroong closed circuit television (CCTV) sa loob ng kwarto kung saan ginagawa ang draw.