Manila, Philippines – Binawi ng whistleblower na si Marina Sula ang mga paratang nito kay dating Senador Ramon Bong Revilla Jr. kaugnay sa pork barrel scam case.
Bumaligtad ito sa pagdiin kay Revilla at sinabing ang mga abugado ng prosekusyon ang nagdikta kung ano ang kanyang mga sasabihin sa sandiganbayan first division.
Itinanggi rin ni Sula na nakipagpulong siya kay Revilla noong siya ay empleyado pa ng JLN Corp.
Inamin naman ni Sula na siya ang may hawak ng mga papeles kaugnay ng masaganang ani para sa Magsasaka Foundation, Inc. na isa sa mga non-government organization na nakatanggap ng pork barrel fund ni Revilla.
Itinuro ni Sula ang kapwa niya whistleblower na si Benhur Luy na nasa likod umano ng mga pekeng pirma sa endorsement letter ni Revilla.
Nang tanungin kung bakit binawi niya ang kanyang mga naunang pahayag, sinabi ni Sula na sinabihan siya ng prosekusyon noon na suportahan ang mga pahayag ni Luy.