KONTRAKTWALISASYON | Ilang establisyimento, nagsumite sa DOLE ng regularization plan

Manila, Philippines – Umaasa ang Department of Labor and Employment (DOLE) na marami pang manggagawa ang mare-regular sa kanilang trabaho.

Ito ay matapos magsumite sa DOLE ang ilang establisyimento sa buong bansa ng kanilang regularization plan.

Ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, ilang malalaking kumpanya ang nagpahayag ng intensyon na i-regular ang kanilang mga manggagawa.


Pero kinakailangan pa aniyang inspeksyunin ang mga ito para matiyak ang karapatan ng mga manggagawa sa security of tenure.

Sinabi pa ni Bello, ang paglalabas ng inisyal na listahan ng non-compliant establishments na isinumite sa Office of the President ay nagdulo ng malaking epekto sa kanilang kampanya kontra illegal contractualization.

Kabilang sa naglabas ng regularization program ay ang Jollibee Foods Corporation para sa halos 15,000 manggagawa nito, DOLE Philippines Inc. na may higit 10,000 manggagawa at ang PHILSAGA Mining Corporation na may higit anim na libong manggagawa.

Ang SM Malls, target na mai-regular ang nasa 10,000 manggagawa hanggang sa katapusan ng taon.

Sa ngayon, aabot na sa halos 183,000 na manggagawa ang regularized sa ilalim ng pinaigting na labor enforcement system.

Facebook Comments