CAUAYAN CITY – Magsasagawa ng revalidation ang Persons with Disability Affairs Office (PDAO) para sa mga persons with disabilities (PWD) na benepisyaryo ng Rice Subsidy Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela sa Lungsod ng Cauayan.
Sa exclusive interview ng IFM News Team kay PDAO Head Jonathan Galutera, sinabi nitong magsisimula ngayong araw, Enero 15, ang revalidation sa mga PWD kung saan magbabahay-bahay ang kanilang hanay, at mauunang puntahan ang Tanap region.
Aniya, ang revalidation ay bahagi ng pagsusuri upang masigurado na ang mga kwalipikado lamang ang mapapabilang sa programa, lalo na ang mga PWD na may malulubhang kondisyon at mental disorder.
Sa kasalukuyan, nasa 404 PWDs ang tumatanggap ng programa sa lungsod, kung saan bawat benepisyaryo ay nakatatanggap ng 10 kilo ng bigas kada dalawang buwan.
Ang hakbang na ito ay alinsunod sa utos ng Public Employment Service Office (PESO) na naglalayong masigurado ang patas na pamamahagi ng ayuda.
Dagdag pa ni Galutera, layunin din ng revalidation na maiwasan ang mga reklamo mula sa mga hindi kwalipikadong indibidwal na nais mapabilang sa programa.