Hinikayat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga botante na huwag iboto ang mga drug-tainted candidates na kumakandidato sa Halalan 2022.
Ginawa ni PDEA Director General Wilkins Villanueva ang pahayag kasunod ng pagka-aresto noong Oktubre 13 kay Sonny Kalaw, isang dating police officer at kumakandidato sa pagka-alkalde ng Sabangan, Mountain Province.
Nakumpiska kay Kalaw at sa apat pa niyang mga kasama ang 19 bricks ng dried marijuana leaves na may street value na ₱2.28-M at isang itim na Toyota Hi-Ace Grandia.
Babala ni Villanueva, posibleng magpapatakbo ng kanilang kandidato ang mga nasa likod ng sindikato ng droga sa halalan sa Mayo 2022.
Asahan aniya na babaha ang drug money para bilhin ang boto ng publiko.
Ani Villanueva, hindi malayo na may ilang re-electionist o mga bagitong kandidato ang popondohan ng drug syndicate ang kanilang kampanya kapalit ng protection sakaling mahalal ang mga minamanok nila sa puwesto.
Apela ng PDEA chief sa publiko, gamitin nang wasto ang kapangyarihan ng kanilang boto sa pamamagitan ng pagpili sa kandidatong lilinisin ang kanilang komunidad sa droga o ipagtatanggol ang bansa laban sa illegal drugs.