
Nagbabala ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA laban sa paggamit ng mga vape na may halong etomidate, matapos makumpiska sa bansa ang ilang vaping products na naglalaman ng naturang gamot.
Ang etomidate ay isang anesthetic na ginagamit sa mga ospital para pampatulog sa pasyente bago ang ilang medical procedure. Delikado naman umano kapag ginamit nang walang medical supervision dahil maaari itong magdulot ng biglaang sedation, pagkawala ng malay, hindi makontrol na paggalaw ng katawan, at problema sa paghinga at puso.
Bukod sa vape, natukoy rin ang etomidate sa anyong tablet, pulbos at crystals.
Ilan sa mga iligal na vape na may etomidate ay ibinebenta umano sa tawag na “space oil,” “zombie vapes,” at “Kpods.”
Paalala ng PDEA, huwag basta gumamit o magbahagi ng kahina-hinalang vape products dahil hindi tiyak kung ano ang laman ng mga ito. Agad ding magpatingin sa doktor kapag nakaranas ng kakaiba o malalang sintomas matapos gumamit ng hindi kilalang vape product.
