Umaabot sa kabuuang P89.29 bilyon halaga ng mga iligal na droga ang nakumpiska ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa loob ng anim na taong panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay sa pinakahuling Real Numbers data, iniulat ng PDEA na sa mga nasabing iligal na droga ay kabilang ang P76.55-B halaga ng shabu.
Ayon sa PDEA, may 8,177.79 kilograms ng shabu, 4,226.08 kg ng marijuana, 21.93 kg ng ecstasy, 534.20 kg ng cocaine, at 3,483.67 kg iba pang dangerous drugs ang kanilang winasak.
Habang aabot naman sa 1,156 drug dens at 19 clandestine shabu laboratories ang nabuwag mula July 2016 hanggang April 2022.
Nasa 15,096 high-value targets (HVTs) nationwide ang naaresto, 6,768 HVTs mula sa high-impact operations; 4,043 target-listed suspects; 1,670 drug den maintainers; 797 drug group leaders/members; 529 government employees; 402 elected officials; 364 foreigners; 295 na kabilang sa wanted lists; 126 uniformed personnel; 78 armed group members at 24 na mga prominenteng personalidad.
Nakaaresto rin ang mga awtoridad ng 341,494 iba pang indibidwal na sangkot sa illegal drugs.
Sa naaresto namang 4,372 minors ay kabilang dito ang 2,635 pushers; 1,004 possessors; 453 users; 246 visitors sa drug den; 10 drug den maintainers; 18 drug den employees; tatlong cultivators, isang lab employee at dalawang runners.
Ang mga na-rescue na minors pagkatapos ng court proceedings ay inililipat sa Bahay Pag-asa reform centers ng Local Government Units (LGUs) matapos ang walong oras na nasa kostudya ng pulis, bago i-turn over sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kaugnay nito, idineklara namang drug-cleared ang 25,061 mula sa 42,045 mga barangay; 6,574 ang mga drug unaffected/drug-free at 10,410 ang patuloy pa ring may namamayagpag o hindi pa naililinis sa illegal drugs.
Kailangang isyuhan muna ng sertipikasyon ng mga miyembro ng Oversight Committee ang mga barangay bago ideklarang drug-cleared.
Nabatid pa sa pinagsama-samang ulat, lumilitaw na 6,248 drug suspects ang namatay sa isinagawang 236,620 anti-illegal drug operations.