PDEA, nakapagkumpiska ng higit ₱1-B shabu sa unang linggo ng Marso

Photo Courtesy: PDEA Top Stories FB Page

Mahigit ₱1.57 bilyon ang halaga ng shabu ang nakumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa unang linggo pa lamang ng Marso.

Kabilang dito ang nasamsam na ₱1.088 bilyong halaga ng shabu mula sa isang Chinese national at kasabwat na Pinay sa isang buy-bust operation sa Valenzuela City.

Ayon kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, nagresulta ito sa pagkaaresto kina Tianzhu Lyu ng Fujian, China at Meliza Villanueva ng Concepcion, Tarlac na resulta ng intensive human intelligence operation at technical intelligence operation.


Sinabi ni Villanueva na si Lyu na isang Chinese national ay bahagi ng isang Chinese drug syndicate na tinatawag na “The Company”.

Kilala rin aniya ang dalawang suspek bilang drug dealers sa mga lugar sa National Capital Region (NCR), Region 3 at Region 4A.

Bago naman aniya ang naturang buy-bust sa Valenzuela, isang drug bust din ang isinagawa ng mga awtoridad sa Cavite noong Marso 1 na nagresulta sa pagkakakumpiska ng may dalawang kilo ng shabu, na nagkakahalaga ng ₱13.6 milyon at pagkakaaresto ng isang suspek.

Sinundan ito ng isa pang operasyon sa Cavite noong Marso 2 na nagresulta sa kumpiskasyon ng apat na kilo ng shabu, na nagkakahalaga ng ₱27.2 milyon at pagkakadakip ng isang suspek.

Marso 2 din naman nang maaresto ang isang drug suspect sa Bulacan, na nagresulta sa pagkakakumpiska ng may 60 kilo ng shabu, na nagkakahalaga ng ₱408 milyon.

Sa Cebu naman, nakumpiska ang may 200 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱1.36 milyon at nadakip ang apat na drug suspects noong Marso 3.

Noong Marso 4, limang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱34 milyon ang nakumpiska at isang drug suspect ang naaresto sa Escalante City, Negros Occidental.

Facebook Comments