PDEA, pinag-iingat ang publiko sa pagkalat ng tinatawag na ‘magic mushroom’

Nagbabala sa publiko ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) laban sa paggamit, pagbebenta at pagtatanim ng ‘magic mushroom.’

Ayon sa PDEA, bukod sa panganib sa kalusugan sa tao, mahigpit na ipinagbabawal ito sa ilalim ng mga umiiral na batas.

Kasunod na rin ito ng buy-bust operation sa isang beach resort sa Barangay Galongen, Bacnotan, La Union na nagresulta sa pagkakasamsam ng mga lollipop, chocolate bar at gummy bear na pinaghihinalaang nilagyan ng “magic mushrooms”, na nagtataglay ng psilocybin, isang mapanganib na droga.


Ang mga nahuling suspek na nagpapatubo ng mga kabute ay ipinakikilala itong microdosing, o isang pamamaraan ng pagkuha ng isang bahagi ng isang regular na dosis, para sa medicinal purposes.

Gumagamit din ang mga suspek ng mga social media influencer para i-advertise ang magic mushrooms na mayroong “therapeutic benefits”.

Ang pangunahing sangkap sa “magic mushroom” na psilocybin ay inuri bilang isang ilegal na substance sa Pilipinas sa ilalim ng updated list ng mga Scheduled Controlled Substances ng Dangerous Drugs Board (DDB).

Kasama rin ito sa schedule I ng 1971 United Nations Convention on Psychotropic Substances.

Kapag natutunaw, ang psilocybin ay nagiging psilocin, na maaaring magdulot ng mga psychedelic effect na katulad ng hallucinogenic na gamot na lysergic acid diethylamide, o LSD.

Facebook Comments