Binalaan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang publiko na huwag bilhin ang Chinese medicine na Lian Hua Qing Wen capsules na ginagamit sa bansang China na panlunas sa COVID-19.
Ayon kay PDEA Spokesperson Derrick Carreon, napapabalitaang ilang indibidwal ang nagbebenta ng naturang gamot online at sa black market.
Aniya, ang naturang gamot ay may taglay na ephedra, na isang plant-based substance na klasipikado bilang mapanganib.
Hindi rin ito dapat binibili nang walang kaukulang prescription mula sa mga doktor na mayroong PDEA dangerous drugs license.
Babala pa ni Carreon, ang sinumang mahuhuling magbebenta at bibili ng naturang gamot nang walang pahintulot ay maaari maharap sa kaukulang kaso at karampatang kaparusahan sa ilalim ng batas.
Nabatid na ang Lian Hua Qing Wen ay ginagamit bilang gamot sa mga mild to moderated COVID-19 cases sa China.
Sa Pilipinas, inaprubahan na rin ng Food and Drug Administration (FDA) ang paggamit ng naturang Chinese medicine, ngunit bilang isang herbal product lamang na makatutulong sa pagtatanggal ng heat-toxin invasion sa baga, kabilang ang sintomas nito gaya ng lagnat, pananakit ng kalamnan, ubo at sipon, at hindi bilang COVID-19 treatment.