Cauayan City, Isabela- Lumagda na sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang PDEA Region 2 at mga kinatawan ng courier services companies na nag-ooperate sa Lalawigan ng Cagayan upang pagkaisahan na protektahan at pangalagaan ang probinsya mula sa banta ng illegal na droga.
Ayon kay Regional Director Joel Plaza, may mga pagkakataon kasi aniya na ginagamit ng mga tulak ng droga ang mga courier company na lingid sa kaalaman ng kumpanya upang maihatid sa mga ka-transaksyon ang mga ipinagbabawal na gamot o droga.
Sa ginanap na MOA Signing ng PDEA RO2 at mga kinatawan ng courier companies tulad ng Ninja Van, LBC Express, Philippine Postal Corporation and J&T Express ay kanilang napagkasunduan na makikiisa ang mga nasabing delivery company sa pagpapaabot ng impormasyon sakaling may makitang kahina-hinalang ‘padala’ o ‘package’ maging ang pagtitiyak sa kanilang mga service drivers na hindi sangkot ang mga ito sa illegal drugs activities.
Nagsilbi naman bilang saksi sa MOA Signing ang administrator ng Lalawigan na si Ret. Col. Darwin Sacramed sa ngalan ng Gobernador ng Cagayan na si Manuel N. Mamba.