PDL SA BJMP CAUAYAN, PINAPAYAGAN NA MAGKAROON NG HIGIT-2 BISITA BAGONG TAON

Sa darating na bisperas ng Bagong Taon, inaasahan na ng pamunuan ng Cauayan District Jail ang pagdagsa ng mga dadalaw sa mga Person’s Deprived of Liberty (PDL) matapos na payagan ang pagbisita ng higit sa dalawang malapit na kaanak ng mga ito.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Community Relation Service Jail Non-officer Rank, Karla Mae Calaunan, pansamantala umanong pinayagan ang pagdalaw ng mga immediate family ng mga PDL upang kahit papaano ay magkita-kita at mabuo ang kanilang pamilya bago sumapit ang bagong taon.

Kaugnay nito, pinapayuhan naman ang lahat ng mga dadalaw na iwasan ang pagdadala ng mga ipinagbabawal sa loob ng BJMP katulad ng mga alak at sigarilyo.

Iwasan rin umano ang pagsusuot ng dilaw na kasuotan, gayundin ang maiikli at seksing kasuotan.

Pinapayuhan rin ang lahat ng mga dadalaw na magdala ng kanilang vaccination cards gayundin ng ID bilang patunay.

Pinapayagan naman ang pagdadala ng mga pagkain sa loob ngunit dadaan pa rin ang mga ito sa screening upang matiyak na walang anumang kontrabando ang maipuslit.

Dahil naging matiwasay at mapayapa ang naging pagdiriwang ng kapaskuhan ng mga PDL, inaasahan ni Calaunan na magiging ganoon rin umano ang pagsalubong naman sa bagong taon.

Facebook Comments