Naniniwala si Senator Aquilino “Koko” Pimentel III na mananatiling ‘unauthorized’ ang isasagawang meeting at assembly ng Partido Demokratikong Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban) bukas, July 17 kahit sumipot pa si Pangulong Rodrigo Duterte na chairperson ng partido.
Giit ni Pimentel, nagpapakita lamang ito ng mensahe na ang tanging sinusunod lamang ng pangulo ay ang mga inisyatibo ni Energy Secretary Alfonso Cusi na siyang vice chairperson ng partido.
Kaya nanawagan si Pimentel sa mga kapartido na huwag dumalo sa pulong.
May mga patakaran aniyang dapat sundin kahit daluhan pa ng mga sikat na tao ang pulong na hindi nila kinikilala.
Una nang sinabi ni Pimentel na si Cusi ang nasa likod ng “power grab” sa loob ng ruling party na itinatag ng kanyang ama na si dating senator Aquilino “Nene” Pimentel Jr.