Pinagsabihan ni Partido Demokratiko Pilipino (PDP)-Laban President Senator Manny Pacquiao ang mga kapartido na kumalas na lang kung hindi susundin ang kanilang by laws at protocols.
Pangunahing target ng mensahe ni Pacquiao si PDP-Laban Vice Chairman Energy Secretary Alfonso Cusi at iba pang kasamahan na aniya’y humahati sa partido.
Babala ni Pacquiao, bilang pangulo ng PDP-Laban ay hindi niya palalampasin ang paggamit nina Cusi sa partido para sa kanilang pansariling interes.
Puna pa ni Pacquiao, parang lasing si Cusi ng umano’y pabiro nitong banggitin na ang PDP-Laban ay nangangahulugan na President Duterte’s Party.
Paalala ni Pacquiao, ang PDP-Laban ay sa pamilya ni Senator Koko Pimentel dahil ang ama nitong si dating Senate President Aquilino “Nene” Pimentel Jr., ang nagtayo ng partido.
Pahayag ni Pacquiao, mayroong 10,000 miyembro ang partido na lumagda sa manifesto ng pagsuporta sa kanya at mapapaabot pa aniya ito sa 15,000.
Giit ni Paquiao, ilegal ang umano’y planong pagtanggal sa kanya bilang presidente ng partido sa isasagawang national assembly nito sa July 17.
Binanggit din ni Pacquiao na kung meron na silang kandidato ay magiging paglabag sa by laws ng partido kung mag-eendorso pa sila ng iba katulad ni Mayor Sara Duterte sakaling tumuloy itong kumandidato sa pagkapangulo.