PDP-Laban Vice President Alfonso Cusi at 2 pang opisyal, pinatalsik sa partido

Pinatalsik ng PDP-Laban ang Vice Chairman nito na si Energy Secretary Alfonso Cusi, gayundin ang Deputy Secretary General na si Melvin Matibag at Membership Committee Head Astra Naik.

Ang expulsion o pagsipa kina Cusi, Matibag at Naik ay nakapaloob sa tatlong resolusyon ng partido na inilabas ni PDP-Laban President Senator Manny Pacquiao at sinuportahan ito ng PDP-Laban National Executive Committee (NEC).

Ang tatlong resolusyon ay tugon ng NEC sa isang manifesto na nilagdaan ng mahigit 10,000 grassroots members ng PDP Laban.


Kanilang kinokondena ang pagsabotahe sa kasalukuyang liderato ng partido para isulong ang political movement na kontra sa interes ng kabuuan ng partido.

Pinapahintulutan sa isang resolusyon si Pacquiao na bumuo ng investigation committee para sa mga reklamo laban sa mga kapartido na posibleng lumalabag sa konstitusyon ng partido.

Idinideklara naman ng isang resolusyon na ilegal at walang bisa sa isinagawang March 31, 2021 meeting gayundin sa nakatakdang PDP-Laban National Council sa July 17, 2021 na ipinatawag nina Cusi at Matibag.

Ayon kay PDP-Laban Executive Director Ron Munsayac, ang hakbang ng partido laban sa iligal na ginagawa ng ilang miyembro nito para magmanipula, maghasik ng kalituhan at pagkakawatak-watak kasabay ng pagpapakita ng suporta sa ibang partido.

Facebook Comments