Cauayan City, Isabela-Nakataas na sa “Blue Alert” status ang pwersa ng Isabela Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) dahil sa bagyong Kiko.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PDRRMC Head Ret. Col. Jimmy Rivera, inalerto na ang lahat ng MDRRMC sa lahat ng bayan ng lalawigan lalo na ang mga coastal areas.
Ibig sabihin aniya nito, nasa 50% ng kanilang mga tauhan ang nakapwesto ngayon para paghandaan ang posibleng epekto ng bagyo na nakaambang tahakin ang Northern Luzon kung saan makakaapekto ito sa Isabela at Cagayan.
Bagama’t nag-iba ang tahak ng bagyong Jolina ay banta naman aniya ngayon si Typhoon Kiko dahil sa lakas ng hangin na maaaring umabot hanggang 205 km/h.
Ayon pa kay Rivera, nakaalerto na ang tatlong boat teams ng PDRRMC sa mga lugar na madalas ang matinding epekto ng pagbaha gaya sa San Pablo, Sto. Tomas, San Agustin, Jones at Roxas subalit nananatiling ‘passable’ pa naman ang lahat ng tulay sa lalawigan.
Samantala, nakahanda na aniya ang lahat ng relief goods na nakatakdang ipamahagi sa mga bayan sa probinsya kung kaya’t inatasan na umano ni Governor Rodito Albano na unahin ng magpadala ng mga pagkain sa mga bayan.
Sa hiwalay naman na panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Cagayan PDRRMC Ret. Col. Atanacio Macalan Jr., bagama’t hindi pa naman ramdam ang matinding ulan sa lalawigan ay pinakilos na ang lahat ng rescue team sa lahat ng bayan sa probinsya bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong Kiko.
Nakahanda na rin ang mga relief goods na ipapamahagi sa mga pamilyang posibleng maapektuhan ng kalamidad.
Pinayuhan naman ang mga mangingisda na iwasan ang maglayag dahil sa posibleng lakas ng alon na maranasan sa karagatan.