*Cauayan City, Isabela-* Tuloy pa rin ang pangangalaga sa Peace and Order ang PNP Cauayan City sa pamumuno ni Police Superintendent Nelson Vallejo, bilang bagong hepe ng PNP dito sa Lungsod ng Cauayan.
Ayon kay Pol. Supt. Vallejo, gagawin umano nila ang kanilang responsibilidad bilang mga alagad ng batas upang maipatupad ng tama ang kanilang mga batas para sa seguridad ng mamamayan at mahuli at masupil na rin ang mga sangkot sa iligal na droga.
Inihayag rin ni Pol. Supt. Vallejo na isa sa kanilang tutukan dito sa Lungsod ng Cauayan ay ang kaso ng Pagnanakaw upang maiwasan na ang mga ganitong uri ng insidente.
Samantala, bumaba na umano ang supply ng Shabu dito sa Lungsod base na rin sa naitalang datos ng mga nasasangkot sa iligal na droga subalit hindi pa rin umano sila kampante dahil mayroon pa umano silang mga tinitignang mga drug personalities.
Kamakailan ay naideklara na bilang Drug Cleared ang ilang mga barangay na nasasakupan ng Lungsod ng Cauayan gaya ng Brgy. Bugallon, Cabugao, Carabatan Punta, Dianao at Brgy. Rizal.
Inaasahan rin ni Pol. Supt. Vallejo na marami pa sa mga barangay ang maisusunod na maidedeklarang drug cleared dahil hindi pa umano nagtatapos sa Community Rehabilitation Program (CBRP) ang ilang sa mga Tokhang responders at ang ilan pa umano ay wala na rin sa kanilang mga lugar.