Manila, Philippines – Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuo sa Peace corridor na magiging paraan o lugar para mapabilis ang pagbibigay na tulong sa mga apektadong residente ng Marawi City dahil narin sa nangyayaring bakbakan sa pagitan ng Gobyerno at ng teroristang grupong Maute.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, magtutulungan ang pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front o MILF para magbigay ng humanitarian aid sa mga apektadong residente ng Marawi City.
Sinabi ni Abella, ito ang naging resulta ng pulong ni Pangulong Duterte at ng Pamunuan ng MILF sa pangunguna ni MILF Chairman Alhaj Murad Ebrahim noong nakaraang lunes kung saan kasama ang Peace Panel ng dalawang panig na naganap sa Davao City.
Sinabi ni Abella na nangako ang MILF na makikipagtulungan sa Gobyerno upang mabilis na makatulong sa mga apektadong residente.
Tutulong din aniya ang MILF sa pagrescue at body recovery sa Marawi City.
Pero sa ngayon aniya ay isasapinal pa ang panuntunan ng bubuuing Peace Corridor.
DZXL558, Deo de Guzman
Peace Corridor para sa mabilis na humanitarian aid sa Marawi City, bubuuin sa pagtutulungan ng Gobyerno at MILF
Facebook Comments