Cauayan City, Isabela- Inihayag ng pinuno ng 95th Infantry ’Salaknib’ Battalion ng Philippine Army na ayaw at pagod na sa mga makakaliwang grupo ang mga residente na nagsagawa ng ‘Peace Rally’ sa bayan ng Benito Soliven at San Mariano sa Lalawigan ng Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay LTC Gladiuz Calilan, Commanding Officer ng 95th IB, kanyang sinabi na nagpapakita lamang ang ginawang ‘peace rally’ ng mga residente sa lugar na sila ay ‘sukang-suka’ na sa presensya ng mga New People’s Army (NPA) sa kanilang komunidad.
Dahil dito, lalo pang pinaigting ng kasundaluhan ang pagbabantay sa mga nakatira sa kanayunan lalo na sa mga lugar ng katutubong Agta na madalas rin target at hinihikayat ng mga NPA.
Kaugnay nito, muli namang ibinahagi ni LTC Calilan ang mga tulong na ibinibigay ng gobyerno para sa mga magbabalik-loob sa pamahalaan gaya na lamang ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP).
Samantala, sisimulan na rin sa taong 2021 ang pagpapatayo ng bahay para sa mga Katutubong Agta maging sa mga dating rebelde.
Ayon kay LTC Calilan, inaasahan na sa una o ikalawang quarter ng 2021 ay sisimulan na ang housing project ng pamahalaan para sa mga former rebels.